Asistio

House Committee on Metro Manila Development ikinababahala mga road rage

Mar Rodriguez Nov 17, 2025
451 Views

BILANG Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ikinababahala ni Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio ang serye ng “road rage” at mga kahalintulad nitong karahasan sa lansangan.

Dahil dito, nananawagan si Asistio sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na marahil ay kailangan nilang mas paigtingin ang pagsupil laban sa mga pasaway, barumbado at bayolenteng mga driver na nananakit o nakakapatay ng kapwa nila motorista.

Binigyang diin ni Asistio na nitong mga nagdaang buwan, naging viral sa SocialMedia (SocMed) ang serye ng karahasan sa lansangan kung saan makikita ang ilang eksena ng pananakit, panunutok ng baril, pambubugbog at iba pang kauri nitong karahasan na mistulang naging “normal” na lamang dahil sa pamimihasa ng ilang mga abusadong driber.

Gayunman, sinabi ng kongresista na tama ang ginagawa ng Land Transportation Office (LTO) na tanggalan ng lisensiya habang-buhay ang mga abusado, barumabado at bayolenteng drivers na nasasangkot sa road rage upang hindi na sila pamarisan ng iba pang motorista.

Pagbibigay diin pa ni Asistio na ang mga abusadong driver gaya ng driver na nanakit ng isang senior citizen ay hindi lamang dapat suspendihin ang kanilang lisensiya. Bagkos, hindi na sila dapat payagang makapag-maneho ng sasakyan matapos nitong ikatuwiran na peligroso ang mga ganitong driver sa iba pang motorista.

Nabatid na binusinahan ng nasabing driver sakay ng kaniyang Toyota Altis ang senior citizen na nagmamaneho ng motorsiklo. Kung saan, sinadya umanong suntukin ng driver ang matanda nang masagi nito ang kaniyang motor.