Calendar
Agri cooperation pinalakas ng PH, Canada
PINALAKAS ng Pilipinas at Canada ang kooperasyon sa agrikultura at naghahanap pa ng mga bagong daan para sa partnership.
Sa formal partnership deal sa pagitan nina Agriculture Secretary Tiu Laurel Jr. at Canada Secretary of State for International Development Hon. Randeep Sarai, sa Makati City, nagpasalamat si Tiu Laurel sa Canada sa suporta para sa seguridad sa pagkain, katatagan sa klima at kaunlaran sa kanayunan.
Pinagtibay din ni Sarai ang pangako ng Canada at tinukoy ang 26 million Canadian dollar investment package para sa mga inisyatibo sa agrikultura.
Nasentro sa pulong ang mga oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan.
Inihayag ng Canada ang interes na suportahan ang Pilipinas sa pagpapaunlad sa cacao at kape, matibay sa klima na agrikultura, IUU-fishing monitoring at regulatory capacity-building.
Sa aspeto ng dairy cooperation, binalangkas ni National Dairy Authority Administrator Atty. Marcus Andaya ang interes ng Pilipinas sa Canadian dairy genetics, semilya, buhay na mga hayop at palitan ng kaalaman sa kondisyon ng sakahan at kaalwanan ng mga baka.
Binigyang-diin ni Tiu Laurel ang pangangailangan para mapahusay ang logistics, cold-chain systems at value-adding para sa mataas na halaga ng mga pananim, at pagkilala.
Dagdag pa ng kalihim, magtatayo ang departamento ng bagong rice fortification plant at hiningi ang gabay ng Canada para sa pagpapalawak sa pundasyon sa ibang mga produkto at binigyang-diin ang importansya ng matatag na supply chain inputs at teknolohiya.
Tinukoy naman ni Assistant Secretary Arnel de Mesa na plano ng departamento na magsumite ng year-end concept notes para sa ODA projects sa kape, patatas, cacao at gatas.
Nagkasundo ang dalawang panig na palakasin ang koordinasyon at muling pinagtibay ang kanilang pangako upang isulong ang kanilang mga ibinahaging layunin para sa seguridad sa pagkain, katatagan sa supply chain at mga pagbabago sa agrikultura.

