Suspek

12-anyos ginahasa sa bahay, suspek buking dahil sa sapatos

Edd Reyes Dec 14, 2025
299 Views

SA mismong bahay ng 12-anyos na batang babae ginawa ng Grade 12 student ang seksuwal na pang-aabuso sa batang biktima Sabado ng gabi sa Taguig City.

Nabuking naman ng ina ng bata ang pang-aabuso ng 18-anyos na suspek nang magtanong sa anak kung kanino ang hindi pamilyar na sapatos na panlalaki sa kanilang pintuan nang dumating sa kanilang bahay sa Barangay Pinagsama pasado alas-6 ng gabi.

Dito na ipinagtapat ng bata ang pang-aabuso sa kanya ng suspek kaya humingi na siya ng tulong sa Barangay Security Force ng Brgy. Pinagsama na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na residente ng Brgy. Western Bicutan.

Sa ulat ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Taguig police, nagtungo ang mga kaibigang babae ng biktima sa kanilang bahay kasama ang suspek Sabado ng hapon.

Nang maunang umalis ang mga kaibigan ng bata, dito na siya ginawan ng pang-aabuso ng lalaki dakong alas-6 ng gabi habang wala pa ang kanyang ina.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, sa Taguig City Prosecutor’s Office.