Zaldy Co

UN deal gamitin sa pag-aresto kay Co

189 Views

PWEDENG i-consider ng Pilipinas ang paggamit sa nilagdaang kasunduan sa United Nations laban sa katiwalian para maaresto si ex-congressman Elizaldy “Zaldy” Co, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson.

Sinabi ni Lacson na nagbibigay ng legal framework para sa pandaigdigang kooperasyon sa mga imbestigasyon at pag-uusig kaugnay ng katiwalian ang United Nations Convention Against Corruption (UNCAC).

“Isang option ay gamitin ang UNCAC kung saan signatory tayo. Imagine, 192 countries ang pumirma sa convention.

Kung magagamit natin ang resources ng 191 other countries, you can imagine how our efforts to locate and arrest Co will be easier,” pahayag ni Lacson.

Ayon kay Lacson, maaaring pag-aralan ng Office of the Ombudsman, Department of Justice at Department of Foreign Affairs ang opsyon sa ilalim ng UNCAC upang humingi ng tulong mula sa ibang mga bansang lumagda sa kasunduan.

Dagdag niya, magsisilbi itong pandagdag sa kahilingan ng pamahalaan sa International Criminal Police Organization (Interpol) na magpalabas ng red notice laban kay Co.

Bilang chair ng Senate committee on accountability of public officers and investigations, sinabi rin ni Lacson na maaaring ipatawag ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga dokumentong narekober ng National Bureau of Investigation mula sa condominium unit ni Co upang makumpleto ang mga rekord ng komite at makatulong sa pagbalangkas ng mga panukalang batas.

Dagdag pa niya na maaaring idaos ng komite ang susunod na pagdinig hinggil sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control project sa 2026.

Sinabi rin ni Lacson na umaasa siyang maipapasa ng Senado bago ang Christmas break ang panukalang batas na lilikha ng Independent People’s Commission, isang fact-finding at evidence-gathering body na mag-iimbestiga sa mga maanomalyang proyekto sa imprastraktura.

Ayon sa kanya, ang nasabing komisyon ay walang kapangyarihang magsampa ng kaso at hindi sasapawan ang mandato ng Office of the Ombudsman.

Sa gitna ng mga ulat ng posibleng pag-aresto na may kaugnayan sa isyu ng flood control, sinabi ni Lacson na walang “demoralization” sa Senado.

Binigyang-diin niya na kailangang mapigil ang katiwalian na nauugnay sa mga kwestiyonableng proyekto sa imprastraktura dahil ang karaniwang Pilipino ang nagbabayad nito.