Aso

Katotohanan sa likod ng asong naputulan ng dila sa Valenzuela nalinawan na, kagagawan din ng kapuwa aso

Edd Reyes Dec 15, 2025
188 Views

TULUYAN nang tinapos ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang isyu sa napaulat na asong “pinutulan” ng dila, matapos mapatunayang hindi ito gawa ng tao kundi sa nangyaring “dog fight.”

Nauna nang nagdulot ng takot sa komunidad sa mga nagdaang araw ang kumalat na umano’y animal cruelty sa Barangay Balangkas sa naturang lungsod, na umani ng maraming reaksiyon sa iba’t ibang animal welfare advocates.

Dahil dito, bumuo ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela ng “Task Force Kobe” upang masusing imbestigahan ang kaso.

Sa kasagsagan ng ginawang pagsisiyasat, lumutang ang isang testigo na magpapatunay na hindi tao ang may gawa kundi ang nakaaway na kapuwa aso rin ng 6-taong-gulang na si “Kobe” na isang American Bully.

Nakipagtulungan ang testigo at pumayag na makaharap ang may-ari ng aso sa tanggapan ni Mayor Wes Gatchalian sa Valenzuela City Hall, upang patunayan sa pamamagitan ng kuha ng CCTV na hindi tao ang pumutol sa dila ni Kobe kundi ang nakaaway na kapuwa aso.

Bilang tulong naman sa aso at sa may-ari nito, sinabi ng alkalde na magkakaloob ang pamahalaang lungsod ng medical assistance kay Kobe hanggang sa kanyang paggaling.

Nagpasalamat din ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela sa kooperasyon ng dog owner, sa tulong ng testigo, sa animal welfare advocates, at maging sa mga concerned citizen upang mapabilis ang pagkalutas sa kaso ni Kobe.

Nagpaalala naman ang lungsod sa lahat na maging mapanuri sa impormasyon sa online at patuloy na sundin ang umiiral na responsible pet ownership sa ilalim ng Ordinance No. 131, Series of 2014, na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ng Valenzuela.