Parade

MMDA ipapasara mga lansangang daraanan ng MMFF Parade of Stars

Edd Reyes Dec 15, 2025
257 Views

IPAPATUPAD ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pansamantalang pagsasara at stop-and-go scheme sa lansangang daraanan ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 51st Edition Grand Parade of Stars sa Disyembre 19 sa Makati City.

Kabilang sa mga lansangang apektado sa pagsasara mula alas-12:01 ng tanghali hnggang alas-10 ng gabi ang Macapagal Boulevard, Senator Gil Puyat Avenue, Ayala Avenue, Makati Avenue, JP Rizal Street, at AP Reyes Avenue. Ipapatupad sa naturang mga lansangan ang paghinto ng mga sasakyan kapag padaan na ang parada at muli silang papayagang tumahak kapag nakaraan na ang mga float.

Magsisilbing punong-abala ang Pamahalaang Lungsod ng Makati ngayong taon na inaasahang dadagsain ng mga tagahanga ng mga artistang lalahok sa parada, sakay ng makukulay na floats.

Nagpasalamat naman si MMDA Chairman at Concurrent MMFF Overall Chairman Atty Don Artes kay Makati City Mayor Nancy Binay sa pagpayag na maging punong-abala at abot-kayang pagtulong ng kanilang lungsod sa gaganaping parada ng mga artista.

Magtatalaga ang MMDA ng 1,000 mga traffic personnel, motorcycle at mobile patrol units, towing at impounding group, Road Emergency Group, Public Safety Division, Metro Parkways Clearing Group, at traffic engineering center.

Sisimulan ang parada na inaasahang tatagal ng isang oras at 40-minuto sa Buendia Avenue, tatahak ng Ayala Avenue, Makati Avenue, JP Rizal Street, A. Reyes Avenue, at magtatapos sa Circuit Makati kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang mga fans na bumati sa paborito nilang artista bago isagawa ang programa.