Calendar
Dating DPWH Usec. Catalina Cabral
Nakitang bangkay sa Benguet nakumpirmang kay Cabral
NAKUMPIRMA ng DNA test na ang bangkay na nakuha mula sa bangin sa Tuba, Benguet, noong Huwebes ay si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
Ipinakita rin ng autopsy na namatay siya dahil sa mga pinsalang tugma sa pagkahulog mula sa mataas na lugar.
Ito ay kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla, na nagsabing walang natagpuang tama ng bala o indikasyon ng foul play sa katawan ng biktima.
Ayon sa lokal na pulisya, nakatakdang isuko ng asawa ni Cabral ang kanyang mga personal na gamit, kabilang ang cellphone, sa mga imbestigador matapos ang libing.
Nilinaw ng pulisya na ang cellphone at bag ay hindi naiwan sa lugar ng insidente kundi nasa pangangalaga ng driver ni Cabral.
Sinabi ng driver na iniutos ni Cabral na iwan siya sa Camp 5 sa Kennon Road at hindi niya dinala ang kanyang bag at cellphone. Ipinasa ng driver ang mga gamit sa pamilya ni Cabral nang dumating sila upang makipagkita sa kanya.
Iniutos ni acting Philippine National Police (PNP) Chief Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ni Cabral, na itinuturing na pangunahing personalidad sa imbestigasyon ng multi-bilyong pisong flood control scam, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Noong Biyernes, inilarawan ni Remulla si Cabral bilang isa sa “principal architects” ng mga anomalya sa flood control kasama si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo.
Makalipas ang ilang oras, sinibak sa puwesto si Major Peter Camsol, hepe ng Tuba Municipal Police Station, dahil sa mga pagkukulang sa imbestigasyon.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Brig. Gen. Randulf T. Tuaño, nabigong ma-secure ni Camsol ang mga ebidensiya kaya inalis siya sa puwesto ng Cordillera Police Regional Office Director Brig. Gen. Ericson Dilag.
Pinaniniwalaang tumalon si Cabral mula sa halos 30 metrong bangin sa Kennon Road sa Benguet. Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ini-rule out ang foul play at ang bangkay ay kinuha ng pamilya na kalaunan ay pumayag sa autopsy.
Sinabi ni Remulla na base sa initial investigation ng Benguet Police Provincial Office, iniutos ni Cabral sa driver na ihatid siya sa Camp 5 ng Kennon Road bandang alas-3 ng hapon noong Huwebes.
Sumunod ang driver at bumalik sa lugar makalipas ang dalawang oras para sunduin siya, ngunit hindi na niya nakita si Cabral kaya bumalik siya sa hotel at iniulat ang pangyayari sa pulisya. Bandang alas-8 ng gabi, natagpuan si Cabral na walang malay at idineklarang patay ng doktor.
Binigyang-diin ni Remulla na ang pagkamatay ng isang akusado ay hindi nangangahulugang titigil ang hustisya.
“Ang pagkamatay ng isang tao hindi ibig sabihin titigil ang justice. Hahabulin namin ang lahat ng nakaw na yaman, para mabalik sa taong Pilipino ang mga ninakaw. Death will not protect you. Man up to the charges and have faith in the system. No one is sacred, death or other acts will not protect you,” aniya.
Sinabi rin ni Remulla na na-secure na ng mga imbestigador ang crime scene at hiningi ng pulisya sa pamilya ni Cabral na ibalik ang cellphone at iba pang gamit na mahalaga sa imbestigasyon.
Ayon sa mga source ng Journal Group, iniwan ni Cabral ang bag at cellphone niya sa sasakyan. Nang dumating ang pamilya nito para kunin ang bangkay, ibinigay ng driver ang bag sa kanila.
Sinabi ni Remulla na maaaring may pagkukulang ang mga imbestigador ngunit ginagawa nila ang lahat upang malaman ang katotohanan. “Para malaman kung may foul play or not pero initial reports is there is no foul play,” aniya.
Itinuturing na “person of interest” ang driver na nagsabing mag-iinspeksyon lang si Cabral sa lugar at hiningi nitong iwan siya sa lugar.
“Kasama siya ni Usec. Bernardo as principal architects of the flood control scam pero that point of Kennon Road is walang CCTV, laging may landslide diyan. Her family has already identified her but we cannot rely on that,” saad ni Remulla.
Aniya, hindi malinaw ang pakay ni Cabral sa Baguio. “I would assume na she’s undergoing severe stress, but that’s only an assumption,” dagdag niya.
Nagbabala rin si Remulla sa iba pang sangkot sa flood control scam: “No matter what you do, the law will go after you, the wheels of justice will prevail.”
Sinabi niya na aktibong pine-pursue ng Ombudsman at Department of Justice ang lahat ng sangkot sa kontrobersiya sa flood control, kabilang si Cabral na tinukoy niyang “one of the masterminds. Siya nagsasabi kung saan ilalagay ang pera.”
Kung mapatutunayang guilty, isasailalim sa forfeiture ang mga ari-arian ni Cabral, wika ni Remulla.
Ayon kay Nartatez, tuloy-tuloy ang imbestigasyon. “We don’t like stones left unturned here. We need na makuha lahat ng angles to dispel cover-up, whitewash and makuha ang proper assessment to the cause of death of Cabral,” aniya.
“This is for the good of everyone, for the good of her family,” dagdag niya.
Sinabi ni Remulla na asahan ang pag-aresto sa iba pang personalidad na sangkot sa scam na kasama ng contractor na si Sarah Discaya.
“Small fish lang si Discaya, we want to see more big fishes,” aniya.
Ayon sa Benguet police, naibigay na ng driver sa pamilya ni Cabral ang kanyang sasakyan at cellphone. Nauna nang inatasan ng Ombudsman ang mga awtoridad sa pag-secure ng cellphone at iba pang gadget ni Cabral.

