Suspek

Misis sa 1 sa 2 sikyu na pinatay ng kapway sikyu itinangging bully ang mister

288 Views

MARIING itinanggi ng misis ng isa sa mga security guard na napatay sa madugong pamamaril sa isang car dealership sa Quezon City ang pahayag ng suspek na siya umano ay binully.

Ayon sa ginang, malayo ito sa totoong ugali ng kanyang asawa sa mga kasamahan.

“Malamang gagawin niya ang lahat ng paraan para ipagtanggol ang sarili niya. Hindi na makakapagsalita ang dalawang biktima,” aniya.

Samantala, isinampa na ang dalawang bilang ng robbery with murder sa Quezon City Prosecutors Office laban sa naarestong suspek na nakapatay sa dalawang kasamahang security guard sa loob ng isang car dealership sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, nitong Miyerkules ng hapon.

Ayon sa report ang suspek ay naaresto sa Tondo, Manila ilang oras matapos mangyari ang pamamaril.

Sa ulat, pinagbabaril ng suspek ang kanyang dalawang katrabaho nang malapitan sa loob ng establisyimento sa Barangay North Fairview bandang alas-2:10 ng hapon bago ang bisperas ng Pasko.

Agad namang umamin ang suspek at sinabing kaya lamang niya nagawa ang krimen ay dahil lagi umano siyang binu-bully ng napatay niyang dalawang kasamahan.

Sa isang panayam ay nabanggit din ng suspek na ginugulangan siya sa trabaho ng dalawang biktima.

“Lagi silang late sa palitan ng shift,” ayon sa suspek.

Batay sa imbestigasyon, natutulog ang mga biktima nang pagbabarilin ng suspek saka tumakas sakay ng taxi.

Sinabi ng mga imbestigador na bago ang pamamaril, nilapitan umano ng suspek ang isang empleyado ng isa pang car dealership sa lugar at pinakiusapan itong sumama sa pagpatay sa dalawang guwardiya.

Nabatid na nauna na ring binanggit ng suspek sa kasamahan na gusto niyang pumatay ng tao at humingi ng tulong para magawa ito.

Ngunit hindi umano sineseryoso ng kasamahan ang mga sinabi nito at hindi nila akalain na ang tinutukoy niya ay ang kanyang mga katrabaho.

Bago umano mangyari ang krimen ay nag-inuman muna ang suspek at dalawang biktima.

Sa gitna ng inuman ay nagkapikunan umano ang tatlo at nauwi sa suntukan.

Ayon sa suspek ay una ng bumunot ng patalim ang isa sa mga bktima at sasaksakin siya ngunit nagawa niya itong iwasan.