Pic

EX-ECIJA MAYOR TIMBOG SA P.476-M SHABU SA TALAVERA

348 Views

Pic1Pic2TALAVERA, Nueva Ecija – Isang dating alkalde sa Nueva Ecija ang inaresto ng kapulisan matapos siyang mahulihan ng shabu na may halagang P476,000 sa isinagawang buy-bust operation dito bago magmadaling araw ng Miyerkules.

Kinilala ang arestadong suspek na si alyas “Marvin” na 53-anyos na dating alkalde ng bayan ng Sto. Domingo mula 2007-2010 at nakatira sa Barangay Umangan, Aliaga, Nueva Ecija.

Ikinasa ang operasyon sa Brgy. Calipahan dakong ala una y diyes ng Miyerkules.

Ayon sa ulat ni police head Lt. Col. Rogelio L. Pacificar Jr. kay Nueva Ecija police head Col. Heryl L. Bruno, inaresto ang dating alkalde matapos magbenta ito ng halagang isang libong pisong shabu sa isang undercover na pulis.

Nakumpiska pa mula sa suspek ang limang pakete ng shabu na may kabuuang timbang na 70 gramo na may katumbas na halagang P476,000, pati na ang marked money na ginamit sa operasyon.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. na binibigyang-diin ng pagkakaarestong ito ang patuloy at intelligence-driven na kampanya ng rehiyon laban sa ilegal na droga.

“Ang matagumpay na operasyong ito ay nagpapakita ng aming matatag at makatarungang pamamaraan sa pagtugon sa problema ng ilegal na droga. Nanatiling nakatuon ang aming mga pulis sa pagprotekta sa mga komunidad at sa pagtitiyak na walang sinuman ang higit sa batas,” pahayag ni Peñones.

Idinagdag pa niya na ang naturang tagumpay ay naaayon sa Focused Agenda ng Philippine National Police sa ilalim ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., partikular sa pagpapahusay ng pamamahala ng mga operasyong pulisya.

Aniya, pinagtitibay rin nito ang mga prinsipyo ng PRO3 na kilala bilang 3Ps: Protect the People, Pursue Peace and Order, at Promote Professionalism.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at haharap sa kaukulang mga kaso sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Nina STEVE A. GOSUICO & BERNARD GALANG