Binatang may autism dedo sa sunog; lumayas na ina sinisi ng mga kapitbahay

Edd Reyes Jan 6, 2026
315 Views

DEDO ang 16-anyos na binatilyong may autism nang ma-trap sa nasunog nilang tirahan Lunes ng umaga sa Valenzuela City.

Halos matusta ang katawan ng biktimang si alyas “John” nang matagpuan ng mga bumbero sa unang palapag ng bahay sa Joaquin Santiago Street, Barangay Malanday, matapos bumagsak ang ikalawang palapag kung saan siya na-trap.

Inamin naman ng ina ng biktima na lumayas siya ng kanilang bahay bago pa mag-Bagong Taon matapos silang magkasamaan ng loob ng kanyang asawa, kaya ang dalawa pa nilang anak ang nagbabantay sa nasawi kapag namasada na ang kanyang mister.

Lumabas sa imbestigasyon na nagsimula ang sunog pasado alas-8 ng umaga sa kusina na nasa ikalawang palapag ng bahay kung saan nadiskubre na may bukas na kalan na posibleng pinagmulan ng pagsiklab ng apoy.

Tinangka pa umanong hilahin ng dalawang nagbabantay na mga kapatid ang biktima palabas ng bahay nang magsimulang lumaki ang apoy subalit tumanggi umano ang binatilyo.

Napag-alaman na binibilhan lagi ng lighter ng kanyang mga magulang ang biktima dahil nagsisilbi itong pampakalma kapag nakakakita ng apoy.

Hindi naman napigilang magbulalas ng sama ng loob sa ina ng nasawi ang apat na pamilya pang nawalan din ng tirahan nang madamay sa sunog ang kanilang bahay, dahil sa ginawang pag-iwan sa mga anak at pagbibigay lagi ng lighter sa nasawi.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula makaraan ang halos isang oras.