Biktima

Hardinero dedo sa high tension wire, nakitang nakabigti sa ibabaw ng puno

Jon-jon Reyes Jan 6, 2026
301 Views
Biktima1
Ang labi ng biktima matapos madiskubre at makuryente sa isang high tension wire sa ibabaw ng puno sa may Barangay 725, Malate, Manila.

HINDI na umabot nang buhay ang 31-anyos na hardinero matapos makuryente sa isang high tension wire sa ibabaw ng puno sa may Leon Guinto corner San Andres streets, Barangay 725, Malate, Manila, gabi ng Lunes.

Ang biktima na may live-in partner ay huling nanirahan sa San Andres Street, Malate, Manila.

Ayon sa report ng Manila Police District (MPD), bandang alas-5:30 ng hapon nang mangyari ang insidente subalit bandang alas-7 ng gabi nang matuklasan ang biktima at na siya ay nakuryente.

Sa ibinigay na pahayag mula sa inisyal na imbestigasyon, nadiskubre ni Kagawad Lorenzo Ilagan ang biktima na nakabigti sa ibabaw ng puno at nakuryente umano sa high tension wire na linya ng Meralco.

Isinugod pa ang biktima sa Bagong Ospital ng Maynila Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival ng doktor sa Surgery Department bandang alas-8:18 ng gabi ng Enero 5.

Sa karagdagang detalye, dakong alas-7:30 ng gabi ay dumating si PSSg. John Rupert Agustin ng MPD Homicide Section sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at inalam ang kaso.