Calendar
PNA file photo
2 granada sa medyas nakita sa harap ng bahay sa Old Balara
NATAGPUAN ang dalawang hand grenade sa harap ng isang bahay sa Barangay Old Balara noong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-6:25 ng gabi ng Enero 6 ay natagpuan ng isang residente sa nasabing barangay ang kahina-hinalang bagay habang siya ay nagbubunot ng mga halaman sa labas ng kanilang bahay.
Ang naturang bagay ay nakabalot sa puting medyas at nang buksan ay tumambad ang dalawang hand grenade fragments.
Agad na humingi ng tulong ang residente sa pamamagitan ng QC Helpline 122.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Batasan Police Station 6 sa pangunguna ni PLt. Col. Aljun Belista, kasama ang QCPD District Explosive and Canine Unit (DECU).
Agad na kinordonan ng mga awtoridad ang lugar at narekober ang dalawang NK2 hand grenade fragments na may high explosive content.
Matapos ang masusing inspeksyon, idineklara ng pulisya na ligtas na ang lugar.
Pinuri ni QCPD Director PCol. Randy Glenn Silvio ang pagiging alerto ng residente. Aniya, malaking tulong ang maagap na pag-uulat upang maiwasan ang posibleng kapahamakan.
Patuloy namang hinihikayat ng pulisya ang publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang bagay o aktibidad sa QC Helpline 122 o E911 upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad.

