Dayuhan

Tsino inaresto sa pananakit ng babae

Edd Reyes Jan 9, 2026
163 Views

TIMBOG ang 30-anyos na Chinese national na inakusahan ng pagmamalupit at pananakit sa babaeng biktima, matapos matunton sa tinutuluyang condominium Huwebes ng hapon sa Taguig City.

Bitbit ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo ang warrant of arrest na inilabas ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) National Capital Judicial Region Presiding Judge Loralie Cruz-Datahan ng Branch 69, nang dakpin ang akusadong si alyas “Fan” sa loob ng tinitirhang unit sa Kamala Building, Palm Residences, Barangay Ususan, Taguig City, dakong alas-5:50 ng hapon.

Si alyas Fan, na manager ng isang installation company, ay kinasuhan ng paglabag sa Section 5(A) ng Republic Act 9262, o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, ng hindi na pinangalanang babaeng biktima na umano’y dumanas ng matinding pananakit sa kamay ng dayuhan.

Nito lang Enero 7, naglabas ng arrest warrant ang hukuman kaya nagsimulang ilunsad ng pulisya ang pagtugis hanggang makatanggap ng impormasyon si Lt. Col. Antonio Ananayo Jr., hepe ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD, sa kinaroroonan ng akusado na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nagtakda naman ang hukuman ng piyansang P72,000 para sa pansamantalang paglaya ng dayuhan na kasalukuyang nakapiit sa Custodial Facility ng DSOU-SPD, habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Taguig City Jail kung hindi makakapaglagak ng piyansa.