LTO

LTO nag-utos ng SCO laban sa may-ari, driver sa aksidenteng ikinamatay ng bata sa Mindoro

264 Views

WALANG kawala.

Ito ang malinaw na mensahe kung saan ay agad na ipinag-utos ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-isyu ng Show Cause Order (SCO) laban sa may-ari at driver ng pulang Isuzu D-Max na sangkot sa aksidenteng ikinamatay ng isang bata sa Pinamalayan, Oriental Mindoro.

Ayon sa LTO, personal na inatasan ni LTO Chief at Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pag-isyu ng SCO matapos ang insidente noong Enero 11, 2026 sa South Road National Highway, sa tapat ng San Isidro Labrador Chaplaincy sa Barangay Nabuslot. Ang insidente ay kumalat sa social media matapos maitala sa video ang pagkakasagasa sa bata habang tumatawid sa pedestrian lane.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, patungong southbound ang sasakyan nang mabangga nito ang batang tumatawid sa tamang tawiran. Nagtamo ang biktima ng matinding pinsala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan at idineklara itong patay sa lugar ng insidente bandang 11:50 ng umaga sa parehong araw. Pinatawag din ng LTO ang may-ari ng sasakyan upang humarap sa kaso.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lacanilao: “Ang pagkawala ng buhay ng isang bata dahil sa kapabayaan o kawalan ng disiplina sa kalsada ay hindi maaaring balewalain. Ang LTO ay determinadong tiyakin na ang bawat driver na nasa kalsada ay may sapat na pagsasanay, alam ang mga batas trapiko, at may respeto sa karapatan at kaligtasan ng lahat. Hindi tayo titigil sa pagpapatupad ng mga batas upang pigilan ang mga ganitong trahedya. Ang bawat buhay ay mahalaga, at ang responsibilidad ng pagmamaneho ay hindi dapat tratuhin bilang biro.”

Batay sa SCO, inaatasan ang may-ari at driver na humarap sa pagdinig ng LTO Intelligence and Investigation Division sa East Avenue, Quezon City, sa Enero 16, 2026, bandang alas-10 ng umaga.

Inatasan din silang magsumite ng Sworn Comment o paliwanag kung bakit hindi dapat managot ang driver sa mga kasong reckless driving, failure to yield the right of way sa pedestrian, at pagiging improper person to operate a motor vehicle. Kaharap din ng may-ari ang alegasyon ng paggamit ng sasakyan na may hindi awtorisadong accessories.

Samantala, pansamantalang sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver at inatasang isumite ito kaagad sa LTO. Ang sasakyang sangkot sa insidente ay inilagay rin sa alarm status habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon sa LTO, ang hindi pagdalo o hindi pagsusumite ng paliwanag sa itinakdang petsa ay ituturing na pag-uurong sa karapatang ipaliwanag ang panig, at magpapatuloy ang imbestigasyon batay sa mga dokumento at ebidensiyang nakalap.

Sa ilalim ng umiiral na mga patakaran sa transportasyon, may kapangyarihan ang LTO na magsagawa ng administratibong imbestigasyon sa mga aksidenteng nagreresulta sa malubhang pinsala o pagkamatay, hiwalay sa anumang kasong kriminal o sibil na maaaring isampa.