Suspek

Pagpatay ng parak ng 3, bebot ikinasibak ng provincial police chief

Alfred Dalizon Jan 12, 2026
198 Views

ANG malagim na pamamaril ng isang lasing na pulis sa Sibulan, Negros Oriental, na ikinasawi ng tatlo niyang kasamahan at isang babae ay nagresulta sa administrative relief sa tungkulin ng local police director, iniulat ng Journal Group nitong Lunes.

Itinalaga ni Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) Director, Brigadier General Arnold Thomas C. Ibay si Colonel Lito E. Patay, officer-in-charge at deputy regional director for operations ng PRO-NIR, bilang pansamantalang hepe ng Negros Oriental Police Provincial Office (PPO) noong Sabado.

Pinangalanan din niya si Lieutenant Col. Jul Mohammad Jamiri, deputy police director for operations ng Negros Oriental PPO, bilang pansamantalang hepe ng Sibulan Municipal Police Station (MPS).

Ayon sa tagapagsalita ng Philippine National Police na si Brig. Gen. Randulf T. Tuaño sa Camp Crame, ang suspek na pulis na nakilalang si Police Staff Sergeant Bonifacio Saycon, isang intelligence operative ng Sibulan MPS, ay kasalukuyang nakakulong at nahaharap sa kasong multiple murder.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang suspek at tatlo niyang kasamahan mula sa Sibulan MPS na pinamumunuan ng kanilang station commander na si Captain Jose Edrohil Cimafranca ay nag-iinuman sa loob ng SAB Restobar sa lugar nang imbitahan nila ang isa sa mga bar girl na sumama sa kanila.

Sa kasagsagan ng kanilang inuman, bigla umanong binaril ng suspek ang bar girl bandang alas-9:35 ng gabi noong Biyernes gamit ang isang caliber .45 semi-automatic pistol, na ikinagulat ni Cimafranca at ang dalawa pang kasamahan nito.