Calendar
TESDA tutuparin pangako sa mga manggagawa–VM Chi
SINIGURO ni Manila Vice Mayor Chi Atienza na matutupad ang pangako ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na palalakasin ang kaalaman ng mga Manileño sa trabahong napili nila.
Ito’y makaraang mangako si TESDA Director General Kiko Benitez ng buong suporta sa inisyatiba ni Atienza at Mayor Isko Moreno Domagoso na maisailalim sa pagsasanay at mabigyan ng sertipikasyon ang mga manggagawang Manileño.
Sinabi ni Atienza na naka-disenyo ang kanilang programa na dapat ang lahat ay kailangang makasama, kabilang na ang mga PWDs (persons with disabilities) at senior citizens ng sa ganoon ay mapunan ang agwat sa supply ng paggawa.
“Maraming salamat TESDA Director General Kiko Benitez sa pangako na susuporta at ‘di pababayaan ang livelihood projects namin ni Yorme Isko Moreno dito sa Maynila,” pahayag ng bise alkalde.
Binigyang diin din niya na sa pamamagitan ng pagsasama ng scholarship program ng TESDA at assessment ng National Certification (NC) sa umiiral na proyekto sa pagtatrabaho ng lokal na pamahalaan, tiyak na matutupad ang layunin nilang maging propesyonal ang mga manggagawang Manilenyo.

