Caloocan

Shabu lab sa Caloocan ni-raid; walang nahuling suspek

Edd Reyes Jan 24, 2026
166 Views

NI-raid ng mga pulis ang shabu laboratory na nagresulta sa pagkakakumpiska sa mga kemikal na gamit sa paggawa ng shabu noong Sabado sa Caloocan City pero walang naaresto ni isa man suspek.

Dakong alas-8:16 ng umaga nang salakayin ng mga pulis ang bahay na inupahan ni alyas Jessie sa Phase 8B, Renters Excess Lot, Bagong Silang, Brgy. 176-D bitbit ang search warrant na galing kay Caloocan Regional Trial Court (RTC) Vice Executive Judge Rodolfo P. Azucena, Jr. ng Branch 554.

Nabungaran ang tinatayang 20 litro ng Phenylacetone, isang liquid chemical sa paggawa ng shabu na tumitimbang ng 16.95 kilo at may value na P10,000,500.

Nakuha rin ang laboratory-grade glass na may kapasidad na 20,000ml, dalawang electric laboratory heating mantle, isang stainless laboratory heating at mixing base unit, machine type na may buton at iba pang paraphernalia sa paggawa ng shabu.

Sa ulat kay Northern Police District acting director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagreklamo ang mga kapitbahay ng babaeng may-ari ng bahay sa masangsang na amoy kaya’t nag-report ang ginang sa pulisya sa hinalang ginagawang shabu lab ang kanyang bahay.

Dahil dito, nag-apply ng search warrant ang mga tauhan ni Goforth, subalit nakatunog si alyas Jessie kaya’t nagsimulang maghakot na dahilan para makatakas, tangay ang iba pang malalaking gamit ng laboratoryo.

Napasugod sa lugar sina Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at Congressman Oca Malapitan nang malamang may shabu laboratory sa lugar at iniutos ang malawakang pagtugis sa suspek.