Robin

Mabuting Balita para sa mga Taga-Marawi: Marawi Compensation Resolution ni Sen. Robin, umani ng suporta sa Senado

164 Views

ISANG mabuting balita para sa mga na naapektuhan ng Marawi Siege noong 2017: Prayoridad na ng Senado ang resolusyon ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na pabilisan ang proseso para makuha nila ang karampatang kabayaran.

Nagpasalamat si Padilla kay Senate President Juan Miguel Zubiri matapos nito sinabing babanggitin niya ito sa Malacanang sa unang pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).

“Lubos ang aking pasasalamat sa ating butihing Senate President sa kanyang suporta upang maitulak ang pagbuo ng Marawi Compensation Board na siyang tutulong sa mga naapektuhan nating mga kababayan sa Marawi City. Sa katunayan ay isa sa mga unang resolusyon na ating isinumite sa Senado ay ang PS Resolution No 8 na naglalayong himukin ang Office of the Executive Secretary na magsagawa ng vetting process ng mga nominado para sa appointment ng ating mahal na Pangulo, sang-ayon sa probisyon ng R.A. 11696 o ang Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022,” ani Padilla.

“Sa suporta ng liderato ng Senado ay umaasa tayong makakamit ng ating mga kababayan sa Marawi ang pondong nararapat nilang matanggap,” dagdag nito.

Noong Lunes, tiniyak ni Zubiri kay Padilla ang suporta sa pagbigay ng karampatang kabayaran sa mga biktima.

“I will give my assurance bilang inyong Senate President na talagang ifa-follow up natin ito sa executive. At sa unang LEDAC meeting po babanggitin ko po yan as part of our priority request sa executive branch,” ani Zubiri bilang tugon kay Padilla.

Sa sesyon ng Senado nitong Lunes, iginiit ni Padilla na kailangan nang kumilos para magkaroon ng kabayaran ang mga naapektuhan ng insidente noong 2017.

Aniya, hinihintay na ng mga taga-Marawi ang kabayaran pero ang katotohanan ay wala pa itong appropriation.

“Nagbigay din po tayo ng resolusyong sana magawa na po ang Marawi Compensation Board. Kasi po ang magiging patakaran po kailangan buuin ang Board bago magkaroon ng pagbabayad sa damages na nangyari,” ayon sa mambabatas.

“Hinihingi ko po sa ating kapulungan na sana maaksyunan kaagad ang pagbuo ng Board,” dagdag nito.

Ihinain ni Padilla ang Senate Resolution 8 kung saan hinimok niya ang Office of the Executive Secretary na suriin ang mga magiging myembro ng Marawi Compensation Board (MCB).

Ayon kay Padilla sa kanyang resolusyon, maraming inosente ang nasawi at nawalan ng tahanan at gamit matapos umatake ang mga terorista sa Marawi noong 2017.

Noong Abril 2022, ipinasa ang RA 11696 o ang Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022 kung saan may ibubuong MCB na magpapatupad ng pagbigay ng compensation sa mga biktima.

“Since the passage of RA 11696 on 13 April 2022, victims of the Marawi Siege have been clamoring for the organization of the MCB … so it can forthwith perform its functions, organize, and promulgate the implementing rules and regulations,” aniya.