BIA

DOTr sec gusto matapos na repair ng kisame ng BIA

Jun I Legaspi Feb 1, 2026
214 Views

PINAMAMADALI na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez ang pagre-repair ng mga kisame ng Bicol International Airport (BIA) na nasira ng bagyong Uwan noong Nobyembre 2025.

Binalikan ni Secretary Lopez noong Linggo ang paliparan kasama sina Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Deputy Director General for Administration Atty. Danjun Lucas, Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, PPA Assistant Managers Mark Jon Palomar at Elmer Cadano, kasunod ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking maayos, ligtas at komportable ang mga pasahero sa mga airport.

Binigyan ni Secretary Lopez ng hanggang Marso ang BIA para tapusin at tiyaking mas matibay ang mga kisame.

Nauna nang pinuntahan ng Kalihim ang airport noong Nobyembre 11, 2025, ilang araw matapos hagupitin ng bagyo ang probinsya.

“Dapat maayos na natin itong mga kisame at dapat mas matibay na ito para kakayanin ang mga susunod na bagyo.

Hindi pwedeng nakatiwangwang ito. Ang kabilin-bilinan ng Pangulo iprayoridad ang pagsasaayos ng mga paliparan at dapat siguruhing ligtas ang mga airports natin,” sabi ni Secretary Lopez.