Nanunog ng sasakyan, nagpaputok ng boga arestado

151 Views

SA malamig na rehas ang bagsak ng 64-anyos na lalaki matapos magpaputok ng baril at manunoh ng sasakyan sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City, ayon sa report ng Quezon City Police District (QCPD) noong Huwebes.

Kinilala ang suspek na si alyas Alexander, ayon kay QCPD director P/BGen. Randy Glenn Silvio.

Naganap ang pamamaril bandang alas-8:15 ng gabi nang lumabas ng bahay ang suspek at ilang ulit nagpaputok ng baril.

Gamit ang butane torch, sinindihan din ng suspek ang Ford EcoSport ng kanyang kapitbahay at pinaputukan pa ang sasakyan bago tumakas sakay ng kotse.

Humingi ng tulong ang mga saksi sa Anonas Police Station 9 sa pamamagitan ng QC Helpline 122 kaya naaresto ang suspek bandang alas-11:40 ng gabi sa harap ng Baesa Town Center sa Brgy. Baesa, Quezon City.

Narekober sa suspek ang isang cal .45 caliber pistol, limang magasin, 39 bala, anim na practice bullet, P33,000, isang iPhone 17, tatlong keypad phones, pocket knife, multi-tool, Sony recording device, iba’t- ibang ID at ang ginamit na Honda Civic.

Nasa kustodiya na ng PS 9 ang suspek at mahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 11926 (Willful and Indiscriminate Discharge of Firearms), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at malicious mischief.