Calendar
125 RPH beneficiaries sa Caloocan binigyan ng sariling bahay
NAMIGAY ng housing units ang Caloocan sa mga benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (RPH) noong Sabado sa Brgy. 168 Deparo.
Kabilang ang 125 indibidwal na nabigyan ng mura subalit disente at permanenteng sariling bahay sa 10,820 benepisyaro ng 4PH sa Caloocan.
Nagpasalamat si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa mga ahensiya ng pamahalaan na katuwang nila sa programang pabahay para sa mga matatagal ng walang permanenteng tirahan sa lungsod.
“Maraming salamat po sa National Housing Authority (NHA), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Pag-IBIG Fund sa inyong pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang matiyak na mabigyan ng tirahan ang mga kababayan nating lubos na nangangailangan,” sabi ng alkalde.
Magpapatuloy ang pamamahagi ng mga mura at disenteng pabahay, kabilang ang 60 units na nakalaan sa 200 benepisyaryo sa mga susunod na linggo, ayon sa alkalde.

