Agri Pormal nang itinurn-over ng NIA-UPRIIS sa mga magsasaka ang pamamahala at pagmaintain ng nakumpletong proyektong patubigan sa Zaragosa, Nueva Ecija. Nanguna sa turnover si NIA-UPRIIS acting head Engr. Alvin Manuel, Engr Jayson Ibarra at Mayor Lally Belmonte-Espiritu. STEVE A. GOSUICO

Mga magsasaka makikinabang sa agric projects sa NE

Steve A. Gosuico Feb 23, 2026
331 Views

ZARAGOSA, Nueva Ecija–Nag-turnover ang National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS) Division III ng mga proyekto para sa 875 magsasaka sa bayang ito.

Andoon si NIA-UPRIIS acting department manager Engr. Alvin Manuel at Engr. Jayson Ibarra, acting Division III manager, sa Pantoc gymnasium sa Brgy. Pantoc noong Huwebes.

Dumalo rin sa okasyon si Mayor Lovella Belmonte-Espiritu at mga lider magsasaka ng apat na irrigators’ associations.

Kabilang sa mga proyektong nai-turnover ang mga konkretong canal lining sa Laterals A-2 at A-3 sa Pantoc, A-8 sa Carmen at isang rectangular canal lining sa Lateral A-10 sa Manaol.

Kasama ding natapos ay ang desilting works at road resurfacing na isinagawa sa Laterals A at A-9.

Sa pagtatapos ng mga proyekto, sinabi ni Manuel na ang bawat proyektong isinasagawa ng NIA ay sumusunod sa 3Rs–Tamang Proyekto, Tamang Kalidad at Tamang Presyo.

Binanggit din ni Manuel na ang bawat proyekto ay produkto ng matibay na pakikipagtulungan sa mga stakeholder, partikular sa mga local government units.

“Ang magsasaka, ang NIA, at ang LGU ay magkatuwang sa hirap at ginhawa.

Pormal na inilipat ang responsibilidad sa mga IAs para sa operasyon at maintenance ng mga natapos na pasilidad,” dagdag ni Manuel.