Calendar
Source: LTFRB
LTFRB pinatawag kumpanya ng bus na pinaghintay pasahero ng ilang oras
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na maging maagap sa mga reklamo ng mga mananakay, ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang isang bus company kaugnay ng viral post na naglalahad ng karanasan ng mga pasaherong pinaghintay ng ilang oras bago umalis ang bus sa terminal sa Lungsod ng Muntinlupa.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, hindi katanggap-tanggap at nakainsulto ang asal ng driver at konduktor ng A&B Liner, Inc. sa VTX terminal sa Alabang, batay sa salaysay ng isang netizen.
“Lokohan at bastusan ang lengguwaheng alam ng konduktor at driver. Bibigyan natin sila ng leksyon upang magbigay ng malinaw na mensahe na ang ganitong asal ay hindi pinapayagan at dapat maitama,” ani Chairperson Mendoza.
Nagsimula ang aksyon ng LTFRB matapos makita ng social media team ng ahensya ang viral post ni netizen Tino Olivarez. Sa kanyang salaysay, sumakay siya ng bus patungong Lucena City bandang alas-10 ng gabi. Matapos ang higit tatlong oras na paghihintay, nang humiling ng refund, sinabi ng konduktor na hindi ito pinapayagan.
Ipinaabot ang insidente kay Secretary Lopez na agad namang nag-utos kay Chairperson Mendoza na turuan ng leksyon ang driver at konduktor.
Sa inilabas na show cause order, binigyan ng 10 araw ang operator ng bus company upang magpaliwanag sa pamamagitan ng notarized na sulat kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang prangkisa dahil sa kabiguang magbigay ng maayos at kumportableng serbisyo sa mga mananakay. Inatasan din silang dumalo sa pagdinig sa LTFRB Central Office sa darating na Marso 19.
“Binibigyan natin sila ng pagkakataong ipaliwanag ang kanilang panig bilang bahagi ng due process. Ang maaasahan ng publiko ay palaging nasa panig ng commuter ang LTFRB sa mga kaso ng pang-aabuso at maling gawain,” dagdag ni Chairperson Mendoza.
Hinimok din niya ang publiko na agad iulat ang anumang paglabag o pang-aabuso ng mga PUV operator at driver.
“Ang pang-aabuso at maling asal ng mga driver at konduktor ay nagiging normal dahil hindi tumitindig ang mga commuter at hindi lumalaban,” aniya.
“Hindi natin dapat hayaang mangyari ito. Ang kailangan lang gawin ng ating mga kababayan ay mag-report at magdokumento ng kanilang reklamo, at kami na ang bahala sa susunod na hakbang,” dagdag pa niya.

