LTO naglabas ng SCOs vs drivers, operators

136 Views

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause orders (SCOs) para sa ilang viral incidents ng ilang sasakyan na kitang-kitang sa mga social media posts na may kinalaman sa reckless driving at obstruction of traffic.

Inatasan ng LTO ang registered owner at driver ng Toyota Fortuner na lumabas sa Facebook video sa account na “Col. Bosita Supporters” na humarap sa Intelligence and Investigation Division at magsumite ng sworn statement.

Pinagpapaliwanag sila kung bakit hindi dapat managot sa administratibong kaso para sa umano’y reckless driving at obstruction of traffic.

Ilalagay sa alarm status ang Fortuner upang maiwasan ang mga transaksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Kapag natukoy ang driver, sinabi ng ahensiya na isususpinde ang lisensya nito sa loob ng 90 araw at kailangang isumite bago o sa araw ng pagdinig.

Naglabas din ang LTO ng SCO para sa Nissan Navarra pick-up na sangkot sa umano’y delikadong paghinto sa Subic-Clark-Tarlac Expressway.

Tumatakbo ang pick up ng 80 kilometro kada oras pero biglang huminto sa gitna ng expressway, dahilan para magpreno ang mga sasakyang kasunod nito, kabilang ang isang bus at isang truck, upang maiwasan ang banggaan.

Inatasan ng LTO ang registered owner at driver na humarap at magsumite ng sworn statement at magpaliwanag kung bakit hindi dapat humarap sa kasong reckless driving at posibleng suspension o revocation ng lisensya dahil sa pagiging “improper person to operate a motor vehicle.”

Iniulat din ng LTO ang pinaigting na operasyon sa Quezon City para ipatupad ang RA 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, katuwang ang mga law enforcement unit sa National Capital Region.

Sakop ng operasyon ang Timog Avenue, Fisher Mall Quezon Avenue, Tomas Morato Avenue at Quezon Avenue.

Sa nasabing operasyon, 14 na driver ang sumailalim sa Alcohol Breath Analyzer testing at siyam ang nagpositibo sa alcohol impairment, ayon sa LTO.

“The implementation of RA No. 10586 operations is anchored on critical objectives aimed at safeguarding public safety and upholding road traffic regulations,” sabi ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.

Nagbabala ang LTO na ang hindi pagsusumite ng kinakailangang paliwanag sa loob ng itinakdang panahon ay maaaring ituring na waiver ng karapatang marinig at itutuloy ang kaso batay sa ebidensyang hawak ng ahensiya.