Sunog

4K pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa NIA Road

383 Views

Sunog1Sunog2Sunog3Sunog4Sunog5Sunog6

MAHIGIT 4,000 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang sumiklab ang sunog sa NIA Road, Brgy. Pinyahan, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 9:01 ng gabi at mabilis na kumalat sa daan-daang dikit-dikit na kabahayan sa lugar.

Umabot sa Task Force Bravo ang alarma bandang 11:18 ng gabi, dahilan upang rumesponde ang hindi bababa sa 28 fire trucks. Sa kasagsagan ng sunog, nasa 100 fire trucks mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ang tumulong sa pag-apula ng apoy.

Umabot ng ilang oras bago tuluyang maapula ang apoy dakong 5:16 ng madaling araw nitong Sabado.

Ayon sa tala ng Barangay Pinyahan, tinatayang 4,000 pamilya ang naapektuhan ng sunog sa komunidad na may humigit-kumulang 5,000 kabahayan.

Pansamantalang inilikas ang mga residente sa apat na evacuation sites, kabilang ang isang multi-purpose center, dalawang elementary school, at isang tanggapan ng pamahalaang lungsod.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang ulat na isang lalaki na umano’y nagliligtas ng kanilang mga gamit mula sa nasusunog na bahay ay inamok ng atake sa puso at nasawi.

Patuloy namang inaalam ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog, habang pinuri ng BFP ang mga volunteer firefighters, partner agencies at lokal na fire brigades na tumulong upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng apoy.