Rider Source: Ruffy Biazon FB

Rider patay matapos mabagsakan ng puno ng acacia sa Muntinlupa

Edd Reyes Mar 12, 2026
306 Views

DEDO ang 36-anyos na rider nang madaganan ng bumagsak na malaking puno ng acacia Miyerkules ng gabi sa Muntinlupa City.

Hindi na umabot ng buhay sa Medical Center Muntinlupa (MCM) ang rider na si alyas “Ronnie”, residente ng BF Homes International Village, Las Pinas City bunga ng matinding pinsala sa katawan nang madaganan ng mismong katawan ng malaking puno.

Ligtas naman ang driver ng wagon na si alyas “Cerilo”, 57, at tsuper ng Isuzu dump truak na si alyas “Benito”, 67, na nabagsakan din ng mga malalaking sanga ng puno.

Sa ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, tinatahak ng rider ang National Road, Putatan, patungo sa gawi ng Alabang dakong alas-9:30 ng gabi, nang biglang bumagsak ang malaking puno na nasa harap ng Mr. DIY Shop na dumagan sa kanya.

Nahagip din ng mga malalaking sanga ang wagon at dump truck na patungo naman sa kabilang direksiyon ng lansangan na dahilan upang magkaroon din ng pinsala ang kanilang sasakyan.

Nagresponde naman sa lugar si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon matapos atasan ang rescue team ng Disaster Risk Reduction and Management Office na kaagad dalhin sa pagamutan ang biktima at alisin ang malaking puno na humarang sa lansangan na nagdulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.