MRT

MRT 3, LRT 2 fare half na lang simula Mar 23

Jun I Legaspi Mar 19, 2026
296 Views

MAGBIBIGAY ang Department of Transportation (DOTr) ng 50% discount para sa lahat ng pasahero ng MRT-3 at LRT-2 simula sa Lunes kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagaanin ang biyahe ng mga komyuter sa pamamagitan ng fare discount.

“Pagagaanin natin ang araw-araw na biyahe. Sa MRT at LRT ay magdidiskwento po tayo sa pamasahe. Gagawin natin ang lahat para manatiling maayos at tuloy-tuloy ang biyahe ng bawat Pilipino,” sabi ng Pangulo.

Sinabi ni Department of Transportation Secretary Giovanni Lopez na malaki ang maitutulong ng diskwento sa pamasahe sa tren para makatipid ang mga pasahero.

“Prayoridad natin ang tuloy-tuloy na biyahe at mas murang pamasahe kaya magbibigay tayo ng 50% discount sa MRT-3 at LRT-2 para sa lahat,” ayon kay Secretary Lopez.

Paliwanag pa ng transport chief, malaki ang matitipid ng mga bumabyahe kung sasakay ng tren na may discount sa halip na magdala ng sasakyan at kumonsumo ng napaka-mahal na langis.

Epektibo pa rin ang 50% discount para sa white beep cards ng mga senior citizens, persons with disabilities (PWD) at mga estudyante, ayon sa DOTr.

Para sa mga regular na pasahero, magagamit din ang blue beep cards para sa automatic na 50% discount. Para naman sa mga walang beep cards, pwedeng bumili ng single journey tickets na naka-50% discount din.

Kasalukuyang nakikipag-usap ang DOTr sa LRT-1 kaugnay ng pagbibigay ng parehong discounted na pamasahe sa kanilang train line. Ang LRT-1 ay pinatatakbo ng Light Rail Manila Corp.