Calendar
Kelot napagbintangang sumbungero, tinigok ng RIT
TODAS ang 28-anyos na lalaki ng tambangan ng riding -in-tandem (RIT) noong Lunes sa Caloocan City.
Naisugod pa sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si alyas John subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Lumabas sa pagsisiyasat nina P/MSg, Marvin Doctor at P/Cpl. Aniceto Cabreros na sakay ng NMAX na motorsiklo ang biktima pauwi sa tirahan dakong alas-10:00 ng gabi, nang tambangan ng mga suspek pagsapit sa tapat ng Judicial Complex.
Ilang araw bago ang pamamaslang ay pinagbantaan umano ng isang alyas Maton ang biktima, ayon sa kanyang live in partner, dahil sa hinalang ito ang may kagagawan sa pagkakaaresto sa isang alyas Jefrey na may kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni P/Capt. Franky Leonardo Jr., commander ng Caloocan Police Sub-Station 3, subalit wala na sa kanilang tirahan ang suspek.
Nakuha ng pulisya sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng kalibre .45 baril, isang tingga at isang metallic fragment.

