Fuel Source: File photo

Gasolinahan pinagnakawan, pulis rumesponde sa 2 maling gas station

Edd Reyes Mar 26, 2026
89 Views

PINASOK at pinagnakawan ng apat na hindi pa kilalang mga kawatan ang isang gasoline station Miyerkules ng madaling araw sa Antipolo City.

Mistulang na wow-mali pa ang kapulisan nang magresponde sa dalawang sangay ng Hebron gas station sa Barangay Dela Paz bago natuklasang sangay pala ng Petro Gazz gasoline station sa J.P. Rizal St. sa naturan ding barangay ang biniktima ng mga kawatan.

Sa ulat ng Antipolo Component City Police Station, nangyari ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling araw subalit nai-report sa pulisya ng isang alyas “Gina”, operator ng CCTV sa punong tanggapan ng Hebron, dakong alas 5:50 ng umaga.

Nakita umano sa CCTV ang apat na suspek na pawang nakasuot ng jacket at sombrero na pumasok sa gusali at kinuha ang napakaraming barya na kabilang sa kita ng gas station bago hinakot patungo sa dala nilang van at mabilis na tumakas.

Nirerebisa na ng mga pulisya ang kuha ng mga CCTV sa lugar at hiniling na rin ang tulong ng Rizal Provincial Forensic Unit upang ma-proseso ang lugar na pinasok ng mga kawatan.