Pintor

Pintor nakuryente habang pinipintahan pader ng hotel sa QC, patay

98 Views

NASAWI ang 46-anyos na pintor matapos makuryente habang nagpipintura sa pader ng isang hotel sa Quezon City, nitong Miyerkules ng hapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), alas- 4:08 ng hapon nang maganap ang insidente sa isang hotel sa Aurora Blvd., Cubao Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Raymark B Paligutan, habang abala sa pagpipintura sa pader ng hotel ay aksidenteng napadikit ang scaffolding na tinatapakan ng biktima sa high-voltage wire at nangisay ito.

Dumating sa lugar ang mga first responder mula sa Barangay Silangan na binubuo nina Michael Esquierdo at Marlon Tabua, at dinala ang biktima sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) subalit idineklara na itong dead on arrival sanhi ng cardiac arrhythmia na pangalawa sa electrical burns.