Ospital

Ospital ng Maynila matagumpay na naisagawa 1st angioplasty procedure

Edd Reyes Mar 28, 2026
66 Views

PANIBAGONG yugto sa pangangalaga sa kalusugan ang naitala ng Ospital ng Maynila nang matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang angioplasty procedure sa dalawa nilang pasyenteng may sakit sa puso.

Ayon kay Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, kanilang naisakaturapan noong Biyernes, Marso 27, sa dalawa nilang pasyente ang pagsasailalim sa kanila sa angioplasty procedure na aniya ay matagal na nilang hinihintay na tagumpay sa sistemang pangkalusugan.

Nauna ng binuksan ng Ospital ng Maynila noong Setyembre 2025 ang catheterization laboratory para sa pagsasagawa ng angiograms bago sumulong sa mas advanced na mga interventional procedure.

Ayon kay Dr. Padilla, ang angioplasty ay isang pamamaraan upang hindi na kailangan buksan ang puso upang maoperahan dahil ito ang nagbubukas sa mga makikipot na ugat na patungo sa puso na siyang magpapahaba sa buhay ng pasyente.

Dagdag pa niya, umaabot sa P1 hanggang P1.5 milyong ang angioplasty sa mga pribadong ospital habang libre itong iniaalok ng lokal na pamahalaan at kung may gastos may ay napakaliit lamang para mapanatili ang mahabang buhay.

Binigyang kredito naman ni Dr. Padilla ang suporta ni Mayor Isko Moreno Domagoso at ang buong medical team ng Ospital ng Maynila sa naturang tagumpay.

“’Wag po kayong mahihiya na pumunta sa Ospital ng Maynila at ia-accommodate po natin kayo sa abot po ng aming makakaya,” pagtiyak pa ni Dr. Padilla.