Holdaper bumanat; 2 Alfamart stores biniktima

Edd Reyes Mar 28, 2026
221 Views

HINOLDAP ng mga armadong suspek ang dalawang sangay ng Alfamart store noong Biyernes sa Rizal.

Unang pinasok ng apat na armado ng baril at patalim ang sangay ng convenience store sa Brgy. Banaba, San Mateo, Rizal dakong alas-2:30 ng madaling araw at tinangay ang P80,000 na nakalagay sa cash register.

Tinangay din ng mga suspek sa babaeng customer ang kanyang wallet, cellphone, gintong wedding ring, bracelet na ginto at pearl earring bago tumakas.

Dakong alas-3:05 ng madaling araw nang holdapin ng dalawang suspek ang Alfamart sa kanto ng Ipil at Molave Sts., Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.

Nagpanggap na customer ang isa sa suspek bago tinutukan ng baril ang babaeng kahera at crew at inutusan buksan ang cash register na naglalaman ng tinatayang P4,000.

Matapos samsamin ang salapi, tumakas ang holdaper at sumakay sa motorsiklong minamaneho ng kasabwat na nagsilbi ring lookout.

Inatasan na ni Rizal Police Provincial Office director P/Col. Eleazar Barber Jr. ang mga chief of police ng San Mateo at Rodriguez na tugisin anh mga suspek.