CDO Source: PTV

Cagayan de Oro nasa state of energy emergency na

308 Views

ISINAILALIM na sa state of energy emergency ang Cagayan de Oro kasabay ng pag-apruba sa paggamit ng ₱400 milyong calamity fund upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa special session, pinagtibay ng City Council ang Resolution No. 2026-203 na naglalayong agad matulungan ang mga sektor na pinakaapektado ng oil price hike na may kaugnayan sa tensyon sa Middle East.

Sa ilalim ng programa, makakatanggap ng hindi bababa sa ₱2,000 ayuda ang mga kwalipikadong benepisyaryo kabilang ang transport groups, magsasaka, mangingisda, senior citizens, persons with disabilities, at solo parents.

Nauna nang itinulak ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang deklarasyon ng energy emergency upang mapabilis ang coordinated response ng lokal na pamahalaan sa epekto ng global oil crisis sa ekonomiya ng lungsod.

Pinangunahan ni Rolando Klarex Uy ang hakbang, kasunod ng pagpupulong ng Energy Crisis Committee na binuo para tugunan ang lumalalang sitwasyon sa presyo ng langis.

Layunin ng lokal na pamahalaan na maibsan ang pasanin ng mga residente at sektor na direktang tinamaan ng taas-presyo ng produktong petrolyo habang patuloy na minomonitor ang sitwasyon.