Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Pulis

7 arestado sa QC clearing operation na nauwi sa gulo

105 Views

PulisPulis2Pulis3

ARESTADO ang pitong katao matapos umanong maghasik ng karahasan sa gitna ng clearing operation sa isang informal settlement sa Barangay Pinyahan noong Huwebes.

Kinilala ni Randy Glenn Silvio, direktor ng Quezon City Police District, ang mga suspek sa mga alyas na Romeo, Wilson, Alvin, Joemari, Mark, Adrian, at Virgil. Nahaharap sila sa kasong direct assault, resistance at disobedience to persons in authority, at obstruction of justice.

Ayon kay Silvio, kabilang ang mga suspek sa naghagis ng bato, kahoy, at bote sa mga pulis sa kahabaan ng NIA Road, na nagdulot ng kaguluhan bandang 1:40 ng hapon.

Sa insidente, umabot sa 21 pulis—19 lalaki at 2 babae—ang nasugatan.

Nanawagan si Silvio sa mga residente na makipagtulungan sa awtoridad at iwasan ang pagharang sa lehitimong operasyon ng pulisya. “Ang sinumang lalabag sa batas ay pananagutin,” aniya.

Daan-daang pulis na naka-anti-riot gear ang idineploy sa lugar upang pumagitna sa nagagalit na mga residente at demolition team.

Batay sa ulat ang mga pamilyang apektado ng demolisyon ay biktima ng sunog na sumiklab sa lugar noong Marso 7, na nagpalikas sa tinatayang 4,000 pamilya.

Isang babaeng residente ang umalma sa umano’y hindi makataong pagtrato ng pamahalaan, lalo na’t isinagawa ang operasyon kasabay ng Araw ng Kagitingan.