Suspek

Suspek sa ambush ng ABC president, driver nakorner

Bernard Galang Apr 12, 2026
95 Views

Suspek1SAN FERNANDO CITY, Pampanga–Naaresto ng mga pulis sa manhunt sa Kawit, Cavite noong Abril 10 ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang barangay captain sa Bulacan.

Sa ulat kay Police Regional Office (PRO) 3 director Brig. Gen. Jess Mendez, ang 45-anyos na suspek ay nadakip sa Brgy. Marulas batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 11 sa Malolos City, Bulacan para sa dalawang bilang ng murder.

Sangkot ang suspek sa pamamaril na ikinasawi ni Barangay Captain at Association of Barangay Captains (ABC) president Ramil Capistrano at ng driver niyang si Shedrick S. Toribio noong Oktubre 3, 2024 sa Brgy. Ligas, Malolos City.

Ayon sa pulisya, sinubukan ng suspek na tumakas sakay ng motorsiklo ngunit bumangga ito sa sasakyang ginagamit ng mga operatiba kaya natiklo din.

Nasa kustodiya ng Bulacan Provincial Intelligence Unit ang suspek habang hinihintay ang paglalabas ng commitment order.

“Ipinapakita ng operasyong ito ang aming paninindigan na tiyaking ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen ay tutugisin at pananagutin,” ani Mendez.