Airport Source: DOTr

Konstruksyon ng bago, mas malawak na Busuanga Airport pinamamadali

Jun I Legaspi Apr 15, 2026
70 Views

PINAMAMADALI na ni Transportation Secretary Banoy Lopez ang konstruksyon ng bago at mas malawak na Busuanga Airport sa Coron, Palawan upang maka-accommodate at maka-hikayat ng mas maraming turista at makatulong sa lokal na ekonomiya sa naturang lugar.

Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing moderno at i-develop ang mga regional airports para sa paglapag ng malalaking jet na kaya ang mas maraming pasahero at mapababa ang pamasahe papunta sa mga tourist spots.

Sinabi ni Secretary Lopez na malaking bagay ang bagong Busuanga Airport lalo na’t puntahan ang probinsya ng mga foreign at local tourists dahil sa mga magagandang white beach at mga isla sa lugar.

“Ang ibinilin sa atin ni Pangulong Marcos, Jr. dapat madaliin na ang konstruksyon ng Busuanga Airport upang mapalitan na rin yung lumang airport at hindi nagsisiksikan ang mga pasahero para mas komportable sila at ma-engganyo naman ang mas maraming turista na pumunta rito. Dito sa bagong airport, mas mahaba ang runway para kayang makalapag ng mas malalaking aircraft at mapababa ang pamasahe,” sinabi ni Secretary Lopez sa kaniyang paginspeksyon ng airport kasama si Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Raul Del Rosario at Deputy Director General Danjun Lucas.

Magsisimula ang pre-procurement para sa paliparan sa susunod na linggo at sisimulan naman ang konstruksyon sa huling linggo ng Hulyo ng taong ito. Inaasahang matatapos ang bagong Busuanga Airport Passenger Terminal Building sa Mayo 2027.

Samantala, inaasahan namang matatapos ang runway ng Busuanga Airport sa Disyembre 2026 na may haba na 2,100-metro at maari pang pahabain hanggang sa 2,400-metro mula sa kasalukuyang 1,200-metro.

Sa tulong ng mas mahabang runway, kakayanin nitong tumanggap ng mas malalaking jet aircraft na may kakayahang magsakay ng mas maraming pasahero na makakatulong din sa pagpapababa ng pamasahe ng mga pasahero.

Habang tinatapos ang konstruksyon ng mas malawak, malaki at bagong paliparan, iniutos din ni Secretary Lopez ang mabilisang pagsasaayos at pagpapalawak ng kasalukuyang passenger terminal building (PTB) ng Busuanga Airport. Ito’y kayang maka-accommodate ng 1,000 na pasahero mula sa kasalukuyang 200 na pasahero.

Ang expanded PTB ng Busuanga Airport ay gagawing fully air- conditioned para masigurong magiging komportable ang mga mananakay at mga turista.