Calendar
142 QC brgys inatasang magtipid sa enerhiya
INATASAN ng Quezon City government ang 142 barangay sa siyudad na magpatupad ng hakbang sa pagtitipid ng enerhiya na naglalayong mapababa ang gastos, mapatatag ang suplay at mapangalagaan ang mga komunidad mula sa epekto ng krisis.
Batay sa Memorandum Circular Blg. 8, inaatasan ang mga barangay na bawasan ang kanilang buwanang konsumo sa kuryente at gasolina ng hindi bababa sa 10% habang tinitiyak na ang mga pangunahing serbisyo ay nananatiling mabilis, mahusay at tuloy-tuloy.
“Ramdam na sa antas-komunidad ang epekto ng pandaigdigang kawalang-stabilidad. Dapat kumilos nang may determinasyon ang mga barangay—bawasan ang paggamit ng enerhiya habang patuloy na naghahatid ng maagap at maaasahang serbisyo sa ating mamamayan,” sabi ni Mayor Joy Belmonte.
Sa ilalim ng utos, inatasan lahat ng barangay na limitahan ang paggamit ng aircon mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon at panatilihin sa 24°C ang temperatura; patayin ang ilaw na hindi kailangan, kabilang ang lights-off tuwing noon break; isara ang kuryente sa mga hindi ginagamit na espasyo; lumipat sa LED at energy-efficient na kagamitan; pagbawal ang personal na appliances sa loob ng barangay facilities; bawasan ang hindi kinakailangang biyahe at gawing default ang video conferencing.
Inaatasan din ang mga barangay na tulungan ang mga residente na mapababa ang kanilang gastos sa enerhiya sa pamamagitan ng paggamit ng mga programa ng lungsod gaya ng QCity Bus Libreng Sakay at QC E-Services Platform.
Sa bisa ng Executive Order Blg. 7, pinalawig ng lungsod ang panawagan sa mga negosyo at civil society organizations at hinihikayat silang magpatupad ng kaparehong energy-saving practices.
Pinapayuhan din ang mga katuwang mula sa pribadong sektor na suportahan ang mga programa sa food rescue at redistribution at tumulong sa price at supply monitoring sa ilalim ng Quezon City Price Coordinating Council.
Upang matiyak ang epektibong pagpapatupad, magbibigay ng gabay at teknikal na suporta ang Climate Change and Environmental Sustainability Department (CCESD) at ang Business Permits and Licensing Department (BPLD) sa mga organisasyong handang makiisa.

