Calendar
5 PUPC patay, 4 na pulis sugatan nang sumalpok sasakyan sa pader
LIMA ang naiulat na nasawi na pawang Persons Under Police Custody (PUPC) habang limang iba pa ang sugatan kabilang ang apat na pulis matapos na mawalan ng kontrol at sumalpok sa pader ang kanilang sinasakyan habang patungo sa New Q.C. Jail sa Payatas nitong Biyernes ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng pulisya nangyari ang aksidente sa kahabaan ng Payatas Road malapit sa kanto ng Legaspi St., Brgy. Payatas, alas-11:30 ng umaga nitong Biyernes.
Sakay umano ng isang Toyota Hilux (Body No. 07) ng Quezon City Police District ang anim na Persons Under Police Custody (PUPC) at apat na pulis na patungo sana sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang i-commit ang mga naturang PUPC.
Habang binabaybay ang naturang lugar, bigla umanong pumalya ang preno ng sasakyan dahilan upang mawalan ito ng kontrol at mauwi sa trahedya.
Ayon sa attending physician, lima sa mga PUPC ang idineklarang dead on arrival. Ang isa pang PUPC ay kasalukuyang nasa operating room at sumasailalim sa masusing gamutan.
Samantala, apat na pulis ang sugatan at patuloy na ginagamot sa ospital.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng umano’y brake failure ng sasakyan.

