Suspek

Parak kinasuhan sa pagkamatay ng 5 PUCP sa bumanggang police car

63 Views

KINASUHAN na ng Quezon City Police District (QCPD) ang patrolman na nagmamaneho ng police mobile na bumangga sa poste na sanhi ng pagkamatay ng limang persons under police custody (PUCP) at ikinasugat ng iba pa.

Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, dakong alas-12:00 ng tanghali noong Abril 25 nang arestuhin ang driver sa PNP General Hospital sa Camp Crame, Quezon City.

Isinailalim umano ang pulis sa Alcohol Breath Analyzer test at lumabas na negatibo sa alak.

Kasunod nito, isinailalim siya sa inquest proceedings at nahaharap ngayon sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries, at Damage to Property sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Samantala, isa pang Person Under Police Custody (PUPC) ang nananatiling naka-confine sa Quezon City General Hospital matapos sumailalim sa serye ng operasyon.

Ayon sa pulisya, nasa stable condition na ang pasyente ngunit patuloy pa ring mino-monitor ng mga doktor.

Nagbigay rin ng financial assistance ang QCPD para sa mga gamot at laboratory tests ng biktima.

“Tinitiyak namin sa publiko na paiiralin ang due process at pananagutin ang may sala. Kasabay nito, patuloy naming binabantayan ang kalagayan ng mga nasugatan at nagbibigay ng kinakailangang tulong,” pahayag ni Silvio.