Calendar
Tsino nagpanggap na Pilipino buking ng BI
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) agents ang isang Chinese national na nagpapanggap na Filipino sa Ipil, Zamboanga Sibugay noong Abril 16.
Kinilala ang suspek na si Wenyu Lin, 51, na nahuling gumagamit ng iba’t-ibang government-issued IDs na may magkakaibang pangalan ngunit iisang larawan.
Sa operasyon ng BI Intelligence Division, katuwang ang mga yunit ng militar at pulisya, nakumpirma ang presensya ng suspek at agad na inaresto.
Nang harapin ng mga awtoridad, inamin ni Lin ang pagmamay-ari ng mga pekeng ID kabilang ang driver’s license, tax identification cards at health at postal IDs na nakarehistro sa iba’t-ibang pangalan.
Lumabas sa beripikasyon na paso na ang kanyang pasaporte mula pa noong 2011 kaya maituturing na undocumented ang suspek.
Natuklasan na siya ay sangkot sa mga gawaing labas sa saklaw ng kanyang retiree visa, kaya’t itinuturing na banta siya sa kaligtasan ng publiko.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad ang mga dokumentong nagpapakita na maaaring peke ring ipinakilala ni Lin ang kanyang mga menor de edad na anak bilang mga Filipino sa pamamagitan ng pagkuha ng mga pasaporteng nakarehistro sa huwad na identidad.
“Ang kasong ito ay nagpapakita ng sistematikong pagtatangka na baluktutin ang batas ng Pilipinas sa pamamagitan ng maling pag-angkin ng Filipino identity—hindi lamang para sa sarili kundi maging para sa kanyang mga anak.
Pursigido ang Bureau of Immigration na tugisin ang mga lumalabag sa batas at hindi namin hahayaan na abusuhin ang ating identity systems para sa ilegal na pakinabang,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

