Calendar
Dalaga nahulog sa tricycle, nagulungan ng truck, binti baka putulin




KRITIKAL ang kondisyon ng isang 24-anyos na babae matapos mahulog mula sa sinasakyang tricycle hangang sa maipit at magulungan ng trailer truck sa patungong Delpan Street, kanto ng C.M Recto sakop ng Barangay 18, Tondo, Maynila, Sabado ng gabi.
Kinilala ang biktima na si alyas “Honey Rose”, 24, dalaga, brand ambassador at residente ng Area D, Gate 17, Parola, Tondo.
Ayon kay Police Capt. Joel Aquino, chief ng Vehicular Investigation Section ng MPD Traffic Enforcement Unit, bandang 10:28 ng gabi nang mangyari ang insidente.
Lulan ang biktima ng tricycle at pauwi na ito mula sa trabaho nang mahulog ito sa sasakyan habang binabagtas ang northbound lane ng Delpan Street, corner Recto Avenue, Tondo.
Nahulog ang biktima sa harap ng paparating na truck kung saan ay nagulungan at naipit ang kanyang kaliwang binti.
Batay sa kuha CCTV at salaysay ng mga saksi sa lugar, may dumaang motorsiklo kung kaya’t gumewang ang tricycle hanggang sa pumagitna ito sa kalye at nahulog ang biktima.
Agad naman rumesponde ang mga awtoridad at isinugod ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center. Ayon sa kaanak ng biktima, kinakailangang putulan ng binti ang kanyang adalaga dahil sa tindi ng pinsala.
Ang biktima ay nasa stable na kondisyon na.
Samantala, ang driver ng trailer truck ay nasa kostodiya na ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) habang patuloy ang imbestigasyon.

