CAAP: Operational, safe mga airports sa Samar kahit lumindol

Jun I Legaspi May 4, 2026
24 Views

KINUMPIRMA ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ligtas at operational ang lahat ng apektadong paliparan matapos ang magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Eastern Samar noong Lunes.

Kasama sa isinailalim sa inspeksyon ang Calbayog Airport, Borongan Airport, Catbalogan Airport, Hilongos Airport, Catarman Airport, Guiuan Airport at Ormoc Airport.

Sa kasalukuyan, nakakaranas ng pansamantalang pagkawala ng kuryente ang Borongan Airport at naghihintay ng pagbalik ng suplay ng power.

Nag-deploy ang CAAP ng Aircraft Rescue and Fire Fighting (ARFF) units at airport security personnel upang magsagawa ng masusing pagsusuri at tiyakin ang kaligtasan at integridad ng mga pasilidad.

“Assured ang publiko na isinagawa na ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga paliparan at tauhan.

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan sa ating mga airport managers para sa tuloy-tuloy na monitoring, assessment at agarang pagtugon sa anumang operational concerns,” pahayag ni CAAP Director General Raul del Rosario.

Minomonitor ng CAAP ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan, seguridad at normal na operasyon ng mga apektadong paliparan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.