Calendar
Larawan: NCRPO
12 tao dinampot dahihl sa 20 toneladang expired meat sa Marikina
ARESTADO ang 12 katao matapos masamsam ng Philippine National Police (PNP) at National Meat Inspection Service ang tinatayang 20 toneladang expired na frozen meat sa isang bodega sa Barangay Tañong, Marikina City.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa umano’y pagtatago at distribusyon ng mga expired na produktong karne na delikado nang kainin.
Sa paunang imbestigasyon, posibleng magdulot umano ng foodborne illnesses at iba pang panganib sa kalusugan ang mga nasabat na produkto kung naipakalat sa merkado.
Kabilang sa mga inaresto ang ilang personnel ng pasilidad na haharap sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa food safety at meat inspection laws.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., hindi papayagan ng pulisya na malagay sa panganib ang kalusugan ng publiko dahil sa mga produktong hindi ligtas para sa konsumo.
Patuloy naman ang koordinasyon ng PNP sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa mas pinaigting na operasyon laban sa iligal at mapanganib na food products.
