P5M inilaan sa Maynila para sa maliliit na negosyo

Edd Reyes May 7, 2026
25 Views

NAGLAAN ng P5 milyong pondo si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso bilang puhunan sa 1,000 negosyo sa Maynila na layong mapalakas ang ekonomiya sa gitna ng krisis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.

Sinabi ng alkalde na inilunsad ang programa upang palawakin ang maliit na negosyo tulad ng carinderia, tindahan ng banana cue, mga nagtitinda ng meryenda at iba pang maliliit na pang-kabuhayan.

Kailangang may disiplina at malawak na plano sa mahabang panahon ang makakatanggap ng puhunan upang mapalago ang kanilang maliit na negosyo, ayon sa mayor.

“Habang may buhay, may pag-asa. Gusto ko isapuso ninyo. At hindi lang isapuso’t isipan, dapat niyo ‘yun isagawa,” payo ni Yorme sa mga benepisyaryo.

Noong pandemya, isa ring benepisyaryo ang namuhunan ng P1,000 mula sa natanggap na tulong pinansiyal na kalaunan ay naging sikat ng kainan na itinampok pa sa TikTok.

Bukod sa tulong pinansiyal, namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng 100 starter kits sa mga benepisyaryo mula sa anim na distrito, BASECO at Manila Manpower Development Center (MMDC).

Karamihan sa mga tumanggap mga persons with disability (PWDs), solo parents, maralita, senior citizens, special cases, at mga nagtapos ng pag-aaral sa MMDC.