Calendar
Source: File photo ng isang ambush. Hindi ito ang actuwal na mga suspek.
Indian national inambush ng RIT sa Caloocan, tigok
DEDO ang 40-anyos na Indian national nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek na naka-angkas sa motorsiklong minamaneho ng kasabuwat Biyernes ng umaga sa Caloocan City.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dayuhang biktima na residente ng Northwind Subdivision, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City na dahilan ng agarang pagkamatay.
Sa inisyal na ulat ng tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at tinatahak ang Kabatuhan Road sa Bagombong, North Caloocan pasado alas-9 ng umaga, nang tumigil sa gilid ng kalsada sa hindi pa batid na dahilan.
Dito na sumulpot ang mga suspek na sakay ng walang plakang motorsiklo at pinagbabaril ng naka-angkas na nakasuot ng asul na long sleeve at short ang biktima bago tumakas patungong Deparo Road.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaslang habang nakuha sa lugar na kinaganapan ng krimen ang limang basyo ng bala, tatlong depormadong bala, at isang bala ng kalibre .45 na isusumite sa Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) para sa ballistic examination.
Nagsasagawa na rin ng backward at forward tracking operation sa mga kuha ng CCTV sa lugar ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
