News

Sinibak na parak dinampot sa pananakit sa asawa

Alfred Dalizon May 11, 2026
55 Views
Pic1
Source: PNP

ISANG miyembro ng Malolos City Police Station sa Bulacan ang tinanggalan ng kanyang service firearm at badge at kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng isang viral na video na nagpapakita ng pananakit niya sa kanyang live-in partner.

“The Philippine National Police is taking the incident involving a police officer in Malolos City with utmost seriousness,” ayon kay PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Ayon sa hepe ng PNP, ang nasabing pulis ay inalis na sa kanyang puwesto, inilagay sa restrictive custody, at dinisarmahan habang isinasagawa ang imbestigasyon kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and Their Children Act.

Maaari siyang matanggal sa serbisyo dahil sa kanyang marahas na ginawa.

“Both administrative and criminal proceedings are now being undertaken in coordination with the proper authorities to ensure that all facts are thoroughly established and appropriate actions are carried out in accordance with the law,” aniya.

Ayon kay Malolos City Police Station commander Lieutenant Colonel Rommel Geneblazo, naganap ang viral na insidente dakong alas-6:30 ng gabi noong Marso 12. Makikita sa video ang pulis at ang kanyang kinakasama na nagtatalo hanggang sa sampalin siya ng babae.

Dahil dito, sinuntok ng pulis na nakatalaga sa mobile patrol unit ng Malolos City ang babae nang walong beses sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahilan upang ito ay matumba. Nang tumayo ang babae at tangkang gumanti, muli pa niya itong sinuntok.

Sinabi ni Lt. Col. Geneblazo na tinitingnan nila ang “selos” bilang dahilan ng marahas na away ng magkapareha. Bago ang pananakit, kinuwestiyon umano ng babae kung bakit naka-disable ang location app ng cellphone ng suspek.

Ayon pa sa opisyal, sinabi ng babae na una siyang binugbog ng suspek noong Hunyo 20, 2025, at ang insidente noong Marso 12 ang nagtulak sa kanya upang humingi na ng tulong sa pulisya.

Wala umanong anak ang dalawa. Lumabas din na ang akusado ang vlogger ng police station na may libo-libong followers.

Sinabi ni Gen. Nartatez na hindi kinukunsinti ng PNP ang anumang maling asal na sumisira sa tiwala ng publiko at sisiguraduhin nilang mananagot ang lahat ng tauhan anuman ang ranggo o posisyon.

Kasabay nito, nanawagan ang PNP chief sa publiko na hayaan ang tamang legal na proseso at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring makaapekto sa integridad ng imbestigasyon. Iginiit niya na nananatiling nakatuon ang kapulisan sa propesyonalismo, pananagutan, at patas na pagpapatupad ng due process.

Kumilos ang pulisya matapos magtungo ang biktima sa himpilan ng pulisya sa Malolos City upang pormal na magsampa ng reklamo laban sa akusado.

“The public can expect that the Malolos PNP will be fair, transparent, and in accordance with the law in handling the case facing the said police officer,” ayon sa pahayag ng Malolos police.

Sinabi rin ng National Police Commission (NAPOLCOM) na “taking cognizance of the administrative aspect of this case.”

“From what I have gathered, the PNP is already aware of this matter,” ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman and Executive Officer Commissioner Rafael Calinisan.

“We will not allow any form of violence against any woman, or any person for that matter. We will make sure that justice is served. This is an open-and-shut case,” dagdag pa ng opisyal.

“I hope that the victim surfaces. Bukas ang pinto ng NAPOLCOM para sa iyo. I am directing our Regional Director and our NAPOLCOM Regional Office to search for the victim, and get to the bottom of this. Justice will be quick, as it should be,” sabi pa ni Calinisan.