Cocaine SOURCE: Larawan mula sa FB/PNP (PRO 4B)

P20M cocaine nakitang palutang-lutang sa dagat sa Palawan

28 Views

NABAHALA ang isang mangingisda matapos makita ang dalawang kahina-hinalang pakete na palutang-lutang sa karagatan malapit sa baybayin ng Barangay Taburi sa Rizal nitong hapon ng Mayo 10.

Agad niyang ini-report sa mga awtoridad ang nadiskubre habang nasa laot, dahilan para rumesponde ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at beripikahin ang laman ng mga pakete.

Batay sa paunang imbestigasyon, nakabalot sa itim na plastik ang mga narekober at naglalaman umano ng tinatayang dalawang kilo ng hinihinalang cocaine na may standard drug price na aabot sa ₱20 milyon.

Ayon sa pulisya, natagpuan ang mga pakete may humigit-kumulang 25 milya mula sa dalampasigan ng Brgy. Taburi. Kaagad namang isinailalim sa kustodiya ng Rizal Municipal Police Station ang mga kontrabando para sa dokumentasyon at laboratory examination.

Sinabi ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na malaking tulong ang mabilis na pakikipag-ugnayan ng sibilyan sa mga awtoridad upang mapigilan ang posibleng pagpasok ng ilegal na droga sa mga komunidad.

Patuloy ngayon ang mas malalim na imbestigasyon upang matukoy kung saan nanggaling ang mga hinihinalang droga at sino ang posibleng may kinalaman sa insidente. Ayon pa sa PNP, paiigtingin din ang pagbabantay sa mga baybayin at karagatan laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad.