Calendar
Mga Pinoy na sakay ng MV Hondius negatibo sa Hantavirus
TINIYAK ng Department of Migrant Workers (DMW) na lahat ng 38 Pilipinong seafarers na sakay ng MV Hondius ay negatibo sa Hantavirus at nasa quarantine at monitoring procedures sa Netherlands.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, ang 21 Pilipinong crew members nasa Netherlands na at sumasailalim sa quarantine at obserbasyon habang ang natitirang 17 Pilipinong marino na nasa barko ay darating sa Rotterdam sa Mayo 18 upang sumailalim din sa testing at monitoring.
“Lahat sila negatibo sa testing. Wala tayong alam na symptomatic sa ngayon.
Iyan para sa 21 na nasa Netherlands. Yung 17 na nasa barko at darating sa Rotterdam sa Lunes, sila ay sasailalim din sa testing at obserbasyon,” sabi ni Cacdac.
Ipinatutupad ng mga medical personnel onboard ang mga health protocols habang naglalayag patungong Rotterdam.
Tiniyak niya na ang mga Pilipinong marino ay mahigpit na binabantayan at patuloy na nabibigyan ng kinakailangang medical support at assistance.
Ang DMW, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Health (DOH), Department of Foreign Affairs (DFA), at mga opisyal ng embahada ng Pilipinas, ay nakatutok sa kalagayan ng mga Pilipinong marino.
