Hot News

Negosyante sa QC parak lagot dahil sa pananakot

42 Views

Pic1PicARESTADO ang 45-anyos na negosyante matapos umanong manakot gamit ang baril at manira ng mga sasakyan sa Brgy. Amihan, Quezon City nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Jeffrey,” residente ng nasabing barangay, na naaresto sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Anonas Police Station (PS 9) sa pamumuno ni PLTCOL Leonie Ann Dela Cruz.

Batay sa ulat, dakong alas-12:50 ng madaling araw nitong Biyernes habang nagpipintura ng basketball court ang mga complainant nang biglang dumating ang suspek na may dalang maiksi at mahabang baril.

Ayon sa pulisya, nagbitaw umano ito ng salita ng pananakot na ikinabahala ng mga biktima at maging ng mga residente sa lugar.

Lumala pa umano ang insidente nang maghagis ang suspek ng iba’t ibang bagay kabilang ang isang rebulto na ulo, tangke ng gas, kahoy na base, at mga dumbbell plate na tumama at nakasira sa isang Toyota Hi-Ace van at isa pang sasakyan ng mga biktima.

Agad na ini-report ang insidente sa Barangay Amihan at kalaunan ay isinangguni sa Police Station 9 na nagsagawa ng agarang operasyon.

Dakong alas-7:00 ng umaga nang maaresto ang suspek na kusa ring isinuko ang mga baril na nasa kaniyang pag-iingat.

Narekober mula sa suspek ang isang 9mm Norinco pistol na may magazine at limang bala, isang submachine gun replica, at iba’t ibang bagay na pinaniniwalaang ginamit sa pananira.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, gayundin sa kasong Alarms and Scandals, Malicious Mischief, at Grave Threats.

Ayon kay QCPD District Director PBGEN Randy Glenn Silvio, patuloy umano ang kanilang mahigpit na pagtugon sa mga insidenteng nagbabanta sa kaligtasan ng publiko upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad.