Hataman

Dagdag pondo para sa Mindanao infra budget hiniling

Mar Rodriguez Sep 22, 2022
221 Views

NAGHIHINANAKIT ngayon ang isang Muslim solon matapos tapyasan ang “2023 infrastructure budget” na nakalaan para dito sa kabila ng karukhaang pinagdadaanan ng nasabing rehiyon.

Muling kinuwestiyon ni Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman kung bakit masyadong napakalaki ang tinapyas o binawas sa budget ng Mindanao na gagamitin sana para sa pagsusulong ng mga “infrastructure projects” sa rehiyon.

Sinabi ni Hataman na dapat pa nga sana’y mas taasan o lakihan pa ang pondo para sa Mindanao subalit taliwas sa kaniyang inaasahan ang nangyari. Kung saan, pagdating sa usapin ng Mindanao ay mas lalo pang binawasan ang pong nakalaan para dito.

“Bakit ganun kalaki ang pagtapyas sa pondo imprastraktura pagdating sa Mindanao? Ang ibig sabihin lamang nito na malaking trabaho ang mawawala at mas lalo pang tataas ang poverty incidence rate,” ayon kay Hataman.

Binigyang diin pa ng kongresista na makakalikha ng maraming trabaho at magkakaroon ng malaking “income” mula sa mga manggagawa sa “contruction” na makakatulong para tugunan ang karukhaan sa Mindanao.

“Malinaw sa atin na ang infrastructure ay siyang lumilikha ng trabaho at lumilikha ng income mula sa madaming manggagawa sa construction. So malaking contribution ito para matugunan ang poverty at ang multiplier niyan ay yung peace and security,” dagdag pa ni Hataman.

Nananawagan si Hataman sa kaniyang mga kasamahan sa Kamara de Representantes partikular na ang mga taga Mindanao na magkaisa upang maibalik ang malaking tinapyas sa 2023 budget infrastructure project para sa Mindanao.